Wednesday, August 15, 2012

ANO BANG KULTURA ANG SISIMULAN NG RH BILL





ANO BANG KULTURA ANG SISIMULAN NG RH BILL?
 (Message of Manila Archbishop Luis Antonio G. Tagle during the Prayer Rally against the RH Bill at the Edsa Shrine on August 4, 2012.)

Ibig ko hong anyayahan kayong lahat na batiin ninyo ang ating mga pari at mga Obispo. Alam niyo ho kung sino ang may fiesta ngayon, sinong saint? Yes. St. John Marie Vianney. Siya po ang saint, ang patron ng mga pari. Paki sabi po sa mga pari na narito at sa malayo, “We love you, Fathers!” Ano naman ang mga sagot natin, Fathers? “We love you, too!”

Unang-una po nagpapasalamat ako sa ating Episcopal Commission on Family and Life sa pangunguna po ni Bishop Gabby Reyes na nagcelebrate lang po kahapon ng birthday. Hindi na po natin itatanong kung ilang taon na siya. Tanging Diyos lamang ang nakakaalam. At nagpapasalamat din tayo sa lahat ng dioceses na sa oras na ito ay nananalangin din po sa iba’t ibang lugar at iba’t ibang cathedral sa kanilang mga dioceses. At maraming salamat pos a inyo na naglakas loob, sinuong ang ulan, ang hangin para magtipon po. Sabay-sabay tayong mag-aaral sa pamamagitan ng magagandang panayam, makikinig po tayo, magninilay, huhubugin an gating konsensiya. Sabi nga po ni Archbishop Soc, sa pamamagitan ng pagpapaliwanag nawa ay makaabot tayo sa conviction. Matuto tayong kumilatis. At ang lahat ng ito ay atin pong dadalhin sa panalangin.

Ang RH Bill po napakaraming iba’t ibang version, minsan po nakakalito na. Ano nga ba yung version na ating tinatalakay? Pero bagama’t napakaraming panukala, ibat ibang bahagi po ito at ipapaliwanag ng ating mga dalubhasang speakers. Pakiusap ko po sa inyo, sa hapong ito hanggang mamaya, makinig po tayo para lumalim ang kaalaman at dahil sa kaalaman na iyan lumalim din ang pagkilatis at ang ating paninindigan. Ang akin pong inspirational message ay sana po maka-inspire. Ang ganda na nung binasang message galing kay Archbishop Soc. Ewan ko kung may maidadagdag pa ako duon, pero huwag niyong kakalimutan ang kanyang mensahe lalo na para sa mga kabataan.

Ibig ko lang pong simulan. Sabi nila, itong pagsusulong ng RH Bill ay upang makatulong. Ang tutulungan daw po ay ang mga Filipinong naghihirap. Sa pamamagitan daw po nitong isinusulong na RH Bill mapipigil, masusugpo at baka mapipigilan na ang kahirapan, baka makahango tayo sa kahirapan para daw mas gaganda ang buhay kapag kakaunti ang tao. Para gumanda ang buhay, pigilin ang pagbubuntis, pigilan ang pagdami ng tao. Ito raw po ay para sa mga dukha.

Ibig ko lang po kausapin sandali ang mga dukha. Hindi po totoo na ang simbahan, dahil sa pagtutol sa ganitong panukala, ay walang malasakit sa dukha. Araw araw, mga parokya, mga kumbento nilalapitan po ng mga dukha. Araw araw po mayroong isang dakila na layko, isang mapangkumbabang madre, isang tahimik na pari, isang uugod ugod na Obispo, araw araw ay tutugunan ang isang mahirap na lumalapit sa kanya. Kung sa iba ang mahirap ay statistics, para sa taong simbahan ang mahihirap ay tao, may mukha, may labi, may kamay, may paa, may tinig. Ang dukha ay hindi numero. Para sa lahat ng kababayan natin na naghihirap kasama po ninyo ang simbahan at lahat ng taong may mabuting kalooban sa pagtutol sa nakasisira sa dangal ng tao.

Dehumanizing poverty. Ang simbahan kasama ninyo sa paglaban diyan at sa pagtutol sa kahirapan na yumuyurak sa dangal ng tao lalo na ng mga dukha. Hindi po totoo ang sinasabi nila na kaya maraming mahirap ay dahil maraming tamad. Sasabihin ko sa inyo na ang pinakamasipag na Filipino na nakilala ko ay nasa mga komunidad ng mga dukha. Mas maraming ngang mayaman papirma pirma lang, walang ginagawa. Mga kapatid na dukha bilib ako, saludo ako sa kasipagan niyo. Saludo ako sa inyong creativity sa paggiging malikhain, sa paghahanap ng pangtaguyod ng ating pamilya. Kayo po ang larawan ng kulturang Pilipino at its best, dahil sa gitna ng inyong mga hilahil ang inyong tinuturing na kayaman ay ang inyong pamilya, ang inyong mga anak. Ang mga magulang ng mahihirap na pamilya, lahat ng hirap ay kayang tiisin para mabuhay ang kanilang anak. Hindi problema ng mga dukha na mahalin at itaguyod ang mga bata, mukhang ang namo-moblema ay ang mga maykaya.

Dapat matuto tayong lahat sa mga dukha, papaano magpunyagi, papaano magpahalaga at magsumikap. Mga dukha, mga aba, tayo po ay larawan ng pagsusumikap at para sa inyo, baligtarin pa man ang mundo, bawat anak ay hindi problema, bawat anak ay “laman ng laman ko, dugo ng dugo ko, buhay ko yan, huwag niyong tawaging problema yan” at para sa kanila “ibubuhos ang aking dugo, ang aking buhay ay iaalay ko.” Ito po ang natututunan nating mga pari at mga Obispo sa mga dukha na alam natin na kailangan iangat ang kanilang mga buhay subali’t kailanman sa gitna ng kanilang kahirapan hindi nila binibilang ang kanilang mga anak na sanhi ng kanilang kahirapan.

Ano ang kailangan ng mga dukha? Alam natin. Alam natin. Huwag na natin itanggi pa na hindi natin alam. Alam natin ang kailangan ng mga dukha. Edukasyon, trabaho, oportunidad, damayan, pagmamalasakit. Kailangan ng tamang pamamahala at tamang paggamit ng ating mga resources. Alam nating lahat iyan, bakit hindi natin gawin para tumugon sa pangangailan ng mga dukha. Sa mga dukha ang amin pong mensahe: ang inyong dangal ay aming itataguyod at ang inyong kultura ng pagmamalasakit, pagsisikap, ng pagdadamayan para sa inyong mga anak, yang kulturang iyan ay atin ding isusulong at ipagtatanggol.

Ibig ko hong kausapin ang mga bata. Sino po ang mga bata dito? Wow, ang daming nagpapanggap. Sa bagay kamuntik ko nang itinaas ang aking mga kamay. Pare-pareho tayo. Alam natin ang sanggol, ang bata, ang anak, dahil umuulan palagay ko maraming bata na nasa kanilang tahanan at kung kayo ay nakakapakinig sa radio o kaya ay nakakapanood sa TV, o kung saan man, mga bata huwag ninyong papansinin, huwag ninyong ipagdaramdam ang mga naririnig ninyo sa, ewan ko ba, parang walang pinagtandaan, nahihya ako, mga bata sa inyong kamusmusan malimit ninyong naririnig na para bagang kayo ay problema, na kayo ang nagtitingib sa kahirapan ng inyong pamilya at inyong bansa. Nahihiya ako sa inyo dahil parang namumulat kayo na ang inyong pagkakilala sa inyong mga sarili ay, “ako ay problema, ako ay sanhi ng paghihirap.” Katulad po ng nasabi na ng napakaraming mga Obispo, marami pong mga pastoral letters ng mga Santo Papa, katulad ni Hesus, mga bata, hindi kayo problema, mga bata kayo ay biyaya. Sabi nga kanina sa message ni Archbishop Soc, ang pagdadala sa inyo ay hindi sakit. Hindi kayo sakit, kayo ang tanging kayamanan ng inyong mga magulang. Ang pera nawawala, ang investment bumabagsak, ang lupa maaaring gumuho, ang tahanan aanayin, ang kayamanan mawawala, sa bandang huli ang kakapitan na lang na kayamanan ng pamilya ay kayo, mga bata. You make us rich.

Ang pamilya ng nanay ko, siyam silang magkakapatid. Ang lolo ko galing sa China. Kita ba? Kita? Kasama ang mga merchants napadpad sa Pangasinan. Nakapagasawa ng Filipino-Chinese sa Dagupan. Duon isinilang at lumaki ang aming Gokim side. Namatay ang lolo at lola ko walang maipagmamalaking lupa, bahay at kung anu-anong karangyaan. Pero alam ko ang kayamanan nila ay ang siyam na anak na naitaguyod nila, nagsikap at ang kanilang pamilya ay itinataguyod din. Ang alam ko ayaw lang sabihin ng lolo ko, masaya siya, wala siyang kayamanan, may apo siyang Obispo. 

Ang tatay ko lumaki sa Imus, teenager siya nasabugan ng bomba nung giyera ang kanyang ama. Ang lola ko ano ang alam? Magluto sa karinderia. Magkapatid sila, itinaguyod ang kanyang limang anak, nagiisa. At rinig na rinig ko minsan sabi ng lola ko sa kanyang mga anak, “Ito lang ang naibigay ko sa inyo, dahil ito lang ang nakaya ko. Sana naman ibigay ninyo sa aking mga apo ang higit pa sa nakayanan ko.” Kayamanan tayo ng ating mga pamilya. Mga bata, never will you be our problem, you will always be our wealth.

At di ba ito ang kultura ng Filipino, kultura ng pagpapahalaga sa bata, pagpapahalaga sa helplessness ng bata? Alam natin ang kailangan ng bata: pagmamahal, pagaaruga, tamang nutrisyon, edukasyon, kalusugan, at mapayapang kapaligiran. Alam naman natin iyon, eh, alam. Bakit ba hindi na lang ibigay, bakit hindi na lang pagsumikapan?

Ikatlo po, ibig kong kausapin ang mga kababaihan. Sabi ho kasi ang RH bill daw ay tugon sa pangangailangan ng mga babae, lalo na ng mga babaeng niyuyurakan ang kanilang dangal. Kasama po nang simbahan, lahat ng paring may mabuting kalooban, ang ating Santo Papa Benito XVI, ang nagsabi, at ito po ay ipinahahayag na rin natin dito sa lahat ng kababaihan. Tumatangis ang simbahan dahil hanggang ngayon mayroon pa ring mga lugar, mga kultura na ang babae ay nagiging biktima ng diskriminasyon, pagmamaliit, karahasan dahil sila ay babae. Ang pagkababae nila ay ginagawang dahilan, “mababang uri naman kayo,” kaya ang trato ay hindi marangal. Ang simbahan po ay kasama ninyong tumututol sa karahasang nararanas ng mga babae. Isulong po natin ang kultura na kinikilala ang ganap na pagkatao at karangalan at dignidad ng babae.

Kapag ikaw ay may asawa ang asawa ay hindi gamit, hindi bagay, hindi commodity. Ang asawa mo ay tao, ganap na tao, nilalang na kawangis ng Diyos, regalo sa iyo iyan, hindi siya punching bag, hindi siya alipin. Siya ay kayamanan mo, dapat mahalin. Yung mga lalaking katabi ang kanilang mga asawa, halikan mo siya. Tignan mo muna kung asawa mo nga iyang katabi mo. Mga seminarista, madre yang katabi niyo. Alam natin kung ano ang kailangan ng mga babae lalo na sa kanilang mga asawa: paggalang, pagpapahalaga. Alam naman, eh. Ibigay, ibigay. Kung ang bawat lalaki ay magalang sa kanyang asawa, may disiplina, nakikapagusap at sensitibo sa pangangailangan, naku po, paraiso na sa inyong tahanan.

Sa mga kabataan yung tunay na kabataan pakitaas ang kamay, yan nakakatuwa naman kayo. Napakaganda ng sinabi ni Archbishop Soc. Mga kabataan, pasensiya na rin kayo sa amin. Pero alam niyo kung mayroon mang dapat nakakaunawa sa kabataan, ay kami na dati rin namang kabataan. Kaya lang po nung panahon namin iba ang pagiging kabataan, at ang panahon ninyo ay iba rin ang pagiging kabataan. Hindi ko sinasabi na mas mabuti yung panahon namin. Hindi ko sinasabi na mas maganda ang panahon ninyo. Ang sinasabi ko lang ay talagang nag iba. Pero pasensiya na kayo kung katulad ng mga bata at sanggol ang tingin namin minsan sa mga kabataan ay mga problema kayo. Hindi po totoo yun. Totoo rin naman na hindi namin naiintindihan minsan ang inyong kilos, ang inyong salita, ang inyong pananamit, ang inyong buhok.

Ako ay takot na takot magkumpil kasi minsan pagdampi ng aking kamay sa mga ulo ng kukumpilan para bagang mahihiwa ang aking palad dahil ang mga buhok talaga namang ganyan.. Hindi ko minsan maintindihan ang inyong mga pangalan. Ang kukumpilan minsan hindi ko mabasa. Tatanungin ko sa bata, papaano ba babasahin ang pangalan mo? Kasi ang nakasulat, XYZ. Sabi nung bata “Ekkkyzzzzzz.” Parang hindi ko maatim na sabihin, “Ekkkyzzzz, tanggapin mo ang tanda ng Espiritu Santo.” Siguro naman naiintindihan ninyo kaming tumatanda. Ni hindi namin alam ang pronunciation ng XYZ.

At kung minsan ang tingin namin sa inyo, mali nga kung minsan, ay para kayong rebelde, parang walang pakialam, pero alam ko may hinahanap kayo. May hinahanap kayo sa buhay. May hinahanap kayo sa amin. Ang inyong parang pagrerebelde ay pamamaraan ng inyong paghahanap nasaan ang integridad. Mayroon akong kinausap isang batang babae na nagrebelde raw. Dinala ng magulang sa akin. Pagkatapos na maraming sinabi yung bata, sinabi niya, “Ang tatay ko pinagbabawalan akong manigarilyo pero siya sigarilyo ng sigarilyo. Ang nanay ko pinagbabawalan akong maging gastadora, pero siya pag Sabado, kung magshopping!” Tapos sabi niya, “They are fake! Fake sila.” Tapos tinignan ako, “You are fake! All of you are fake!” Pero napaisip ako, ano ang hinahanap ng kabataang ito? Authenticity, integrity, love. Hindi namin kayo kaaway ang problema mga kabataan, kayo ang aming friends. Magkakasama tayo sa paghahanap sa pag-ibig, sa integridad, authenticity. Let us work together. Okay ba friends? OKAY!!

O, tatapusin ko na ito. Baka hindi na makapagsalita yung ibang speakers. Inspiration lang naman ito, ano ho.

At panghuli po, sa mga pinuno ng ating pamahalaan. Sa atin pong nasa lehislatura. Naghahanap po kayo ng tugon sa kahirapan ng mga pamilya, tugon laban sa karahasan sa mga kababaihan, tugon para maitaguyod ang kalusugan ng mga babae, mga ina at mga sanggol. Humahanap rin kayo ng tugon para maitaguyod ang mga kabataan. Salamat po, naiisip niyo sila. Salamat po. May pakiusap lamang po ako. Mukhang ang napipisil niyong tugon sa lahat ng ito ay isang batas na inyong isinusulong. Pakiusap ko po sa inyo, kapag kayo ay nagpasa ng batas, ang batas na iyan hindi lamang ang batas. 


Bawat batas ay umuukit ng kultura. Bawat batas ay lumilikha ng mentalidad, ng priorities, na kung ano ang tinuturing na pinapayagan at hindi pinapayagan. Walang batas na batas lang. Bawat batas ay may agenda, baguhin, hubugin ang isang kultura. Pakiusap ko po sa inyo mga mambabatas at mga nasa pamahalaan. Nakilatis na ba ninyo? Ano ba ang kulturang Pilipino na inyong ibig ipasa sa amin at sa susunod na henerasyon? Ano bang kultura ang sisimulan ng RH Bill at kahit tayo ay wala na sa kulturang iyan, ay mananatili? Nakilatis na ba ninyo kung karapat-dapat na ipamana ang kulturang iyan sa mga susunod na henerasyon? Nakikiusap lang naman po ako baka ang iniisip ninyong solusyon ang maging kapahamakan ng kulturang Pilipino.

Sa atin pong lahat, pakinggan natin ang sinabi ni San Pablo sa ma Pilipos, “Dapat maging laman ng inyong isip ang mga bagay na karapatdapat at kapuri puri; mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig ibig at kagalang-galang.” Ang salita ng Diyos.

Salamat po.